Sumisigaw ng katarungan ang mga kaanak ng mahigit 100 nasawi sa pagguho ng lupa sa Masara, Maco, Davao de Oro noong Pebrero 6. Katarungan ang kanilang hinihingi dahil batid nilang ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay ay hindi simpleng aksidente o trahedya ng kalikasan, kundi bunga ng kalagayang nilikha ng mga hayok sa tubong mandarambong at kasabwat na mga burukrata-kapitalista at armadong tauhan ng estado.
Hindi pa man nahuhukay ang lahat ng mga bangkay na natabunan nang gumuho ang lupa, kaagad nang pinawalangsala ng gubyernong Marcos ang Apex Mining Corporation, pinakamalaking kumpanyang nagpapatakbo ng mga minahan sa lugar. Ang Apex ay pag-aari ni Enrique Razon, isa sa pinakamalaking burgesyang komprador sa bansa na masugid na tagasuporta ni Marcos na nakakukuha ng malalaking kontrata ng gubyerno. Paano pa man ipagtanggol ni Marcos, hindi mapagtatakpan ni Razon ang kanyang responsibilidad sa pagkasawi ng 100 sa Maco na karamihan ay manggagawa o nagtatrabaho sa kumpanya.
Ipinaaalala ng trahedya sa Maco ang marami nang sakuna sa Mindanao, Cordillera, Marinduque, at iba pang lugar na resulta ng mapangwasak sa kalikasan na pagmimina, mga plantasyon, mga proyektong enerhiya, ekoturismo at walang habas na pagtatayo ng mga imprastruktura. Dahil sa malawakang pagwasak sa mga gubat at kabundukan, milyun-milyong Pilipino ang taun-tao’y biktima ng mga pagguho ng lupa at malawakang mga pagbaha sa mga lungsod at kanayunan, na dahilan ng maramihang pagkasawi, pagkawasak ng kabuhayan at lalong pagkasadlak sa kahirapan.
Matagal nang hawak ng mga dayuhang kumpanyang multinasyunal ang pagmimina sa Pilipinas. Maluwag at malawakang pumasok ang mga ito sa panahon ng diktadurang US-Marcos, na nagbulsa ng mga kikbak sa mga operasyon nito. Sa tulak ng neoliberal na patakaran ng liberalisasyon at deregulasyon, at sa tabing ng huwad na “pagmimina para sa kaunlaran,” isinabatas ang Mining Act of 1995, na nagbigay-daan sa buong dayuhang pagmamay-ari ng mga kumpanyang magpapatakbo ng malalaking mina sa Pilipinas, laluna sa pagmimina ng mga ginto, copper, nickel, chromite, zinc at iba pang mineral, na lalong nagpatindi ng malawakang pangwawasak sa kapaligiran.
Sa kasaysayan, mga kumpanyang Amerikano ang pangunahing nasa likod ng pinakamalaking operasyon sa pagmimina sa bansa. Sa kasalukuyan, ang mga ito’y pag-aari o may kapital ng mga kumpanya at bangkong Amerikano, Canadian, Chinese at Australian. Ang pagmimina sa Pilipinas ay hindi nagsisilbi sa lokal na ekonomya. Ang mga nahuhukay na mineral ay iniluluwas ng bansa, pangunahin para sa mga industriya sa bakal sa China at Japan.
Sa buong mundo, tumitindi ang mga operasyong pagmimina sa paghahabol ng mga imperyalistang bansa ng pinakamurang pagkukunan ng mga hilaw na materyales. Sa nagdaang dalawang dekada, dumoble ang demand para sa nickel sa buong mundo, pangunahin dahil sa laki ng inaangkat ng China (na kumokonsumo ng 60% ng kabuuang suplay ng nickel) para sa industriya ng bakal, na malaking bahagi ng pinagbubuhusan nito ng sobrang kapital sa mga proyektong pang-imprastruktura sa tinawag na Belt and Road Initiative.
Tiyak na masusundan pa ang trahedya sa Apex Mining sa darating na panahon sa harap ng lubos na pagbubukas ng rehimeng Marcos sa bansa sa dayuhang pamumuhunan na tuluy-tuloy na magbibigay-daan sa mapangwasak at mapandambong na operasyon ng hayok-sa-tubong mga kapitalista. Pinapasok ngayon ng mga kumpanyang multinasyunal sa pagmimina, agrikultura, enerhiya, turismo, at imprastuktura ang iba’t ibang mga prubinsya sa buong bansa. Lalong dadagsa ang mga ito kapag natuloy ang pakana ni Marcos na baguhin ang konstitusyon upang ibukas nang todo ang pinto sa mga dayuhang mandarambong.
Ilang dekada nang dinadahas, sinusupil, pinalalayas at inaagawan ng lupang ninuno ang mga Lumad sa Mindanao, at mga katutubong mamamayan at mga magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa. Ginagawa ito sa kapakanan ng mga dayuhang kumpanya at mga kasosyong malalaking kapitalista at burukrata. Sa ilalim ni Marcos, patuloy na sumasahol ang brutal na panunupil at terorismo ng estado sa mamamayang tumututol sa dayuhang pagmimina at pagwasak sa kapaligiran.
Kahit pa idineklara ng AFP na “insurgency-free” ang Davao de Oro at mga prubinsya sa Southern Mindanao, bata-batalyon pa rin ng mga tropang pangkombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagtatayo ng mga kampo sa mga komunidad upang sindakin ang taumbayan at hadlangan ang kanilang paglaban. Saanman may mina, naroon ang AFP para maghasik ng pasismo. Marami sa mga yunit na ito ay nagsisilbing pribadong hukbong bayaran ng mismong mga kumpanya sa pagmimina para pangalagaan ang kanilang seguridad.
Ang trahedya sa Maco ay nagdidiin sa pangangailangang pag-ibayuhin ng sambayanang Pilipino ang paglaban sa dayuhang pagmimina at pandarambong sa kalikasan at yaman ng bansa mula sa mga bundok hanggang karagatan. Dapat buklurin ang masang Pilipino at itaas ang kanilang kamulatan at determinasyon na militanteng labanan ang malalaking kumpanyang nagwawasak sa kapaligiran, pati na ang paghuhulog ng AFP ng bomba sa kagubatan.
Dapat ilunsad ang malawakang pagpapakilos sa masa upang pigilan ang lalo pang pagwasak sa kapaligiran at iwasan ang panibagong mga trahedya, muling payabungin ang mga kabundukan, at ipagtanggol ang patrimonya ng bansa para sa kapakinabangan ng sambayanan at demokratikong gubyernong bayan sa hinaharap. Hindi maitatatwa na malaki ang papel ng kilusang masa ng mga katutubong mamamayan at masang setler na silang tuwirang dumaranas ng hambalos ng pangwawasak sa kapaligiran. Kaya sila rin ang pangunahing inaatake ng pasistang AFP upang bigyang daan ang operasyon ng mga dayuhang kumpanya. Katuwang nila ang kilusang magsasaka, at iba’t ibang mga pwersang demokratiko sa kalunsuran sa pagpapalakas ng kilusang masa sa pagtatanggol sa yaman at kalikasan ng bansa.
Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang pinaka-epektibong paraan sa pagtatanggol sa kalikasan. Ilang ulit nang pinatunayan ng Bagong Hukbong Bayan ang determinasyon at lakas nito na parusahan o tuluyang pigilan ang mga dayuhang mandarambong sa kalikasan at itarak ang pamatay na sibat sa makadayuhang reaksyunaryong estado. Sa harap ng malawakang pagpapasok ng rehimeng Marcos ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, kailangang kailangang muling makapagpalakas ang BHB upang ipagtanggol ang kapakanan ng masa at ng kalikasan.