PRWC » Pagpupursige sa harap ng pagsikil sa karapatang mag-unyon sa Cebu


Author: admin
Categories: Ang Bayan, Articles
Description: Sadyang sinasagkaan ng malalaki at dayuhang kapitalista ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pakikipagtawaran para panatilihing mura at kimi ang lakas-paggawa sa Pilipinas. Taliwas ito sa bukambibig ng mga upisyal ng reaksyunaryong estado, sa isinasaad ng sariling batas at sa mga internasyunal na kasunduan na pakitang-taong pinirmahan nito. Pahirapan ang pagbubuo pa lamang […]
Modified Time: 2024-03-07T04:49:27+00:00
Published Time: 2024-03-07T00-52-34-00-00
Type: article
Images: 000000.png  000001.png

Sadyang sinasagkaan ng malalaki at dayuhang kapitalista ang karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pakikipagtawaran para panatilihing mura at kimi ang lakas-paggawa sa Pilipinas. Taliwas ito sa bukambibig ng mga upisyal ng reaksyunaryong estado, sa isinasaad ng sariling batas at sa mga internasyunal na kasunduan na pakitang-taong pinirmahan nito. Pahirapan ang pagbubuo pa lamang ng unyon at paggigiit na kilalanin ang mga ito bilang eksklusibong kinatawan ng mga mangggawa sa pakikipagtawaran.

Ito ang karanasan nina Bokya at Bayong, parehong 39 taong gulang at mga kontraktwal kahit 13-14 taon nang nagtatrabaho sa isang pabrika sa Cebu.

Kagyat na mga dahilan ang kumumbinse sa kanila na sumapi sa unyon. “Nilapitan ako na may itatayo daw na unyon para sa katiyakan sa trabaho na para hindi lang basta-bastang matatanggal,” ayon kay Bokya. “Sa panahong iyon, mainit ang usap-usapang hanggang sa taon na yun na lang ang (labor) agency namin. Ito ang isyung unang nakapagtipon sa amin,” kwento naman ni Bayong.

Taong 2018 pa sinimulang itayo ang unyon sa kanilang pabrika, pero hanggang ngayon ay hindi ito kinikilala ng kapitalista bilang Sole and Exclusive Bargaining Agent (SEBA) o tanging kinatawan ng mga manggagawa sa pakikipagtawaran. Para pigilan ang pagbubuo ng unyon, inilagay ng maneydsment ang mga nagmyembro sa “floating status” o pagtanggal sa regular na rotasyon sa trabaho. Apat na beses nagsisante ang kapitalista para sipain ang mga naorganisa na.

Lumaban ang mga manggagawa. Naglunsad sila ng sama-samang mga pagkilos at iginiit na buksan ang pabrika sa inspeksyon ng Department of Labor and Employment para mapatunayan na nagpapatupad ng iskemang labor-only contracting (LOC) ang kapitalista. Iginiit din nilang ibalik sa regular na rotasyon ang mga manggagawang inilagay sa floating status.

“Nag-armband protest kami, nagpadala ng sulat para makipagdayalogo pero walang sagot,” kwento ni Bokya.

Sa halip, pinaigting ng kapitalista, kasabwat ang estado, ang panggigipit sa mga manggagawa. Pinapasok nito ang NTF-Elcac sa pabrika para magsagawa ng porum kung saan harap-harapang ni-redtag ang unyon. Pinagbantaan ang mga lider ng unyon at tinakot na idadamay ang kanilang mga pamilya. Ipinaupo pa sa mga pulong ng maneydsment ang mga ahente ng pasistang ahensya.

Ligalig sa hanay ng mga manggagawa ang idinulot ng pagkubabaw ng NTF-Elcac sa pabrika. “Para pangibabawan ang hamong ito, kaming mga aktibo sa unyon ay nagbahay-bahay sa mga kasaping manggagawa, tinipon sila at pinagsikapang maibalik ang sigla ng (mga pulong) at pag-aaral namin.”

Itinuloy nila ang laban para kilalanin ang unyon bilang SEBA at iginiit ang kagyat na mga kahilingan ng mga manggagawa tulad ng dagdag-sahod. Nagsampa sila ng mga petisyon sa ahensya ng paggawa para kilalanin ang mga kontraktwal bilang regular. Sa labas ng pabrika, umagapay sila sa mga manggagawang nawalan ng regular na kita at sa mga panahon ng kagipitan.

“Nagkaroon ng tulungan sa panahon ng talamak na paglalagay sa amin sa “floating status,” at noong pagsalanta ng bagyong Odette,” kwento ni Bokya.

“Noong pandemic, nagkaroon din ng pagtutulungan para maigiit ang pagbibigay ng ayuda ng mga ahensya ng gubyerno,” ayon naman kay Bayong.

Sa proseso ng pagtatayo ng unyon, namulat sina Bokya at Bayong sa mga usapin sa mas malawak na lipunan, laluna sa laganap na paglabag ng estado sa mga karapatang-tao. “Sumasama na kami sa mga protesta tungkol sa mga pagpatay at harasment ng gubyerno, sa mga rali laban sa pagyapak sa ating mga karapatan,” ayon kay Bokya. Sumama rin siya sa mga relief drive para sa mga nasalanta o nasunugan na mga komunidad ng mga manggagawa.

Sa personal na buhay, natuto sila ng disiplina, tapang at militansya. “Nabago ang buhay ko kasi marami akong natutunan kung ano talaga ang totoong unyon, paano totoong lalaban at hindi magpapakatuta sa kapitalista,” ayon kay Bokya. “Mas nalaman ko ang mga prinsipyo, at hindi na natatakot sa maneydsment,” ayon naman kay Bayong.

“Paglimita sa pag-inom,” pahabol ni Bokya. “Hindi na masyadong nahihiyang magsalita at makigpag-usap para magpaintindi sa iba tungkol sa mga karapatan natin.”

Source: https://philippinerevolution.nu/2024/03/07/pagpupursige-sa-harap-ng-pagsikil-sa-karapatang-mag-unyon-sa-cebu/