Sa pagdinig sa Kongreso noong Pebrero 29, ipinananakot ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (Conwep) ang malawakang tanggalan sa industriya ng damit kung igagawad ang kahit katiting na dagdag sahod sa mga manggagawa dito. Sa sulat nito sa rehimeng Marcos, nagbabala itong mawawalan ng trabaho ang hanggang 120,000 o 70%-80% sa saklaw nitong 160,000 manggagawa kung ipapasa sa Senado at Kongreso ang anumang pagtaas. Dagdag sila sa 21,912 mangggagawang nakatakda nang tanggalin ngayong taon dahil sa “mas mahinang internasyunal na demand.”
Ang Conwep ay asosasyon ng malalaking kapitalista na nag-eespesyalisa sa pagmamanupaktura ng mga damit para sa pinakamalalaking “global brand” (mga kilalang tatak sa buong mundo). Kabilang sa mga ito ang Ralph Lauren, Coach, Michael Kors, Adidas, Dillard’s, Marks & Spencer at Ann Taylor. Inieeksport nito ang mga gawang damit pangunahin sa US, kasunod sa mga bansa sa European Union, United Kingdom at Japan. Dominado ang asosasyon ng mga dayuhang kumpanya, kung saan ang pinakamaliit ay may 1,000 manggagawa. Dalawa sa pinakamalalaking kumpanya dito ay nagpapatakbo ng 6-7 pabrika at nag-eempleyo ng 22,000-24,000 manggagawa. Ang mga kumpanyang ito ay may mga operasyon din sa ibang bahagi ng Asia (Cambodia, Thailand at Vietnam). Bago magpandemya, nag-empleyo ito ng hanggang 220,000 manggagawa.
Mayorya sa mga manggagawa sa industriya ay kababaihan, relatibong nasa kabataang edad, at kontraktwal. Sa pangkalahatan, mas mababa nang 17%-25% ang ipinangsasahod sa kanila kumpara sa kalalakihan.
Papaliit na industriya, papatinding pagsasamantala
Mula dekada 1990, papaliit na ang naging bahagi ng industriya ng damit sa Pilipinas sa internasyunal na kalakalan ng mga kasuotan. Noong 2020, mayroon na lamang 200 pabrika na nagmamanupaktura ng damit sa bansa, 240 trader at higit 1,000 subkontraktor. Nag-eempleyo ito ng higit 490,000 manggagawa sa iba’t ibang kapasidad, at mayorya o 69.4% sa mga ito ay kababaihan.
Noong 2020, ginamit ng Conwep ang pandemyang Covid-19 para ipatupad ang malawakang tanggalan, pagbabawas ng sahod at ibayo pang pleksibilidad sa paggawa. Inilagay nito sa “floating status” ang libu-libong manggagawa habang direktang sinisante ang iba pa. Pinakamalala ang tanggalan sa mga pabrika sa ilalim ng kumpanyang Taiwanese na Sports City International, ang pinakamalaking employer sa Mactan Export Processing Zone. Sa mga taong 2020-2023, di bababa sa 12,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho nang ilipat nito ang mga operasyon ng kumpanya sa mga pabrika nito sa Vietnam. Pinalabas ng Conwep na “pagsalba sa mga trabaho” ang mga tanggalan. Sa aktwal, isinagawa ang mga retrenchment para panatilihin ang antas ng tubo ng kumpanya sa kapinsalaan ng mga manggagawang Pilipino.
Tulad ng iba pang kumpanyang nasa loob ng mga engklabo, tinatamasa ng dayuhang mga kapitalista ng Conwep ang walang kapantay na mga pribiliheyo at insentiba. Kabilang sa mga ito ang mga tax holiday, “duty-free” o walang buwis na pagpasok ng kinakailangang materyal, paggamit sa abanteng mga imprastruktura na itinayo gamit ang pampublikong pondo, “pleksibleng” paggawa, at mga subsidyo para sa mga yutilidad (tubig at kuryente) at upa. Tinatamasa rin nila ang dagdag na pagbabawas ng babayarang buwis sa ilalim ng batas ng CREATE. Hindi hayagan, pero sa aktwal ay ipinatutupad sa mga loob ng mga engklabo ang patakarang “no union, no strike.”
Pinahihintulutan ang mga dayuhang ito na ilabas ng bansa ang buo nilang kita nang walang pananagutan sa Pilipinas. Tulad sa nangyayari na, arbitraryong isinasara ang mga pabrika nito sa Pilipinas nang walang habol ang mga manggagawa.
Noong 2023, nagtala ang Conwep ng mahigit $1 bilyong halaga ng eksport. Para sa 2024, tinataya ng Foreign Buyers Association of the Philippines na bahagyang lalago ito nang 2% o tungong $1.33 bilyon dahil sa pagpasok ng mga bagong order.