Ginunita sa iba’t ibang panig ng bansa at sa ibayong dagat ang ika-38 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA sa pamamagitan ng mga protesta kontra sa charter change o chacha ng rehimeng Marcos noong Pebrero 25.
Nasa 5,000 katao na nagtipun-tipon sa harap ng EDSA Shrine sa Metro Manila sa ilalim ng No to Chacha Network. Ayon sa mga grupo, isa sa mga tagumpay ng Pag-aalsang EDSA ang Konstitusyong 1987, na nagbawal sa mga dinastiyang pulitikal, nagtakda ng mga limitasyon sa termino ng mga upisyal at iba pang mga pagtitiyak na mayroong “check and balance” sa estado. Ito umano ang nais baguhin ng rehimeng Marcos, kasabay ng pagpapahintulot sa 100% pag-aari ng dayuhan sa lupa, mga susing imprastruktura at pasilidad sa Pilipinas.
Naniniwala din ang alyansa na dapat asikasuhin muna ng Senado at Kongreso ang mga hinaing ng bayan sa dagdag-sahod, pagpapababa ng mga presyo, mas maayos na serbisyong panlipunan at marami pang iba, imbes na atupagin ang chacha. Sa pinag-isang pahayag ng alyansa, tinawag nitong “di kinakailangan, mapanghati, magastos, at nakatuon pangunahin sa pagpapanatili sa pwesto ng mga nasa poder.”
Sa araw na iyon, naglunsad din ng protesta ang mga alyansang kontra chacha sa mga syudad ng Naga, Legazpi, Cebu, Bacolod, Iloilo, at Davao. Samantala, nagkaroon din ng sama-samang pagkilos at pag-aaral sa Isabela, La Union, at Sorsogon. Sa ibayong dagat, nagsagawa ng aktibidad ang mga Pilipino sa Los Angeles, New York, at Boston sa US; sa Melbourne, Sydney, Perth, at Canberra sa Australia; sa Hongkong; at sa Canada.
Bago at pagkatapos ng paggunit, kabi-kabilang mga protesta, pagtitipon at pag-aaral ang isinagawa ng mga grupong nakapaloob sa alyansa.
Liban sa No to Chacha Network, nabuo rin ang malalawak na alyansa kontra chacha sa hanay ng kabataan at kababaihan, gayundin ang mga alyansang antas syudad at prubinsya.
Sa kabila ng malawakang pagtutol, tuluy-tuloy ang pagmamaniobra ng mga tauhan ng rehimeng Marcos para isulong ang chacha. Sunud-sunod ang pagdinig sa House of Representatives noong Pebrero 27 ang Resolution of Both Houses 7 (RBH7), ang katapat na panukala sa inihapag sa Senado na RBH6.
Alinsunod sa magkatambal na resolusyon, tatlong probisyon lamang diumano ang babaguhin oras na mabuo ang Mababa at Mataas na Kapulungan tungo sa isang constituent assembly na may hiwalay na botohan. Ang mga pagbabago ay para bigyan ng karapatan ang mga dayuhan na buong magmay-ari ng mga pampublikong utilidad (Artikulo XII, Seksyon 11); sektor ng edukasyon (Artikulo IX, Seksyon 4); at sa advertising o pagpapatalastas (Artikulo XVI, Seksyon 11).