Nag-aalab ang damdamin ng sambayanang Pilipino laban sa rehimeng US-Marcos sa todong pasistang paninibasib sa buong bansa, laluna sa kanayunan. Punung-puno ng poot ang masang magsasaka na sa gitna ng kanilang paghihikahos at gutom, pasismo at pang-aagaw ng lupa ang sagot ng reaksyunaryong rehimen sa kanilang hinaing.
Sa desperadong pagtatangka na “tapusin” ang rebolusyonaryong armadong paglaban ng sambayanang Pilipino, walang-habas ngayon ang terorista at pasistang pananalanta ng rehimeng US-Marcos at mga armadong galamay nito sa buong bansa. Asahan nang magsusunud-sunod ang mga huwad na deklarasyon ni Marcos at ng AFP na “insurgency-free” ang iba’t ibang prubinsya, lalong-lalo na sa mga prubinsya na tinatakam na pasukin at dambungin ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, plantasyon at enerhiya. Sa utos ng imperyalismong US, nagmamadali rin ang AFP na “tapusin” na ang armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino upang ganap nang magamit ng militar ng US ang AFP sa inuupat nitong gera sa China na malamang sisidhi sa darating na taon.
Isang todong gera ang ipinag-utos kamakailan ni Marcos at ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Layunin diumano ng todong-gera na ito ang lansagin ang lahat ng larangang gerilya ng BHB sa katapusan ng Marso, wasakin ang lahat ng panlabang yunit ng BHB sa katapusan ng Hunyo, at ubusin ang lahat ng panrehiyong komite ng Partido bago ang katapusan ng taon. Puo-puong libong tropang militar, katuwang ang mga tropang pangkombat ng pulis at ilampung libong paramilitar na inarmasan ng AFP, ang pinadala upang manghalihaw sa kanayunan.
Daan-daang mga barangay ang ginagarison ng mga pasistang galamay ni Marcos. Kinokontrol ng naghahari-hariang sundalo ang buhay at kabuhayan ng mga tao, binubusalan ang kanilang mga bibig, at niyuyurakan ang kanilang mga karapatan at kalayaan. Tsekpoynt at blokeyo sa pagkain, pagbabawal magsaka sa bukid o umakyat ng mga kaingin, mga armadong sundalong nagbabaraks sa barangay, nagbabahay-bahay at namimilit na “sumurender,” nambabastos sa mga dalaga o maging sa mga may-asawa, nag-iinuman, nambubugbog at nagbubugbugan, nagpapaputok ng baril sa kung saan-saan—ang ilan lamang sa bulok na gawing nakatatak sa isip ng mamamayan. Sa gitna ng tagtuyot at mga sakuna, ang mga pasistang sundalo ay mga pesteng walang ibang hatid kundi salanta sa kanilang mga komunidad.
Gamit ang malalakas na sandata, mga drone at jetfighter, mga helikopter at howitzer, walang pili sa gabi o araw ang pambobomba ng mga teroristang sundalo ni Marcos sa mga bundok at bukid na pumipinsala sa yaman ng gubat at lumalason sa katubigan, bumabasag sa katahimikan at nagdudulot ng malalim na ligalig sa mamamayan, laluna sa mga bata, buntis at nakatatanda. Labis-labis na pagpuksa sa buhay ang dulot nito, taliwas sa lahat ng prinsipyo at batas sa sibilisadong pakikipagdigma.
Imbing layunin ni Marcos ang itarak ang takot sa dibdib ng taumbayan at padapain sila habang inaagawan sila ng lupa ng malalaking kapitalistang dayuhan at mga kasabwat na mga burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa. Subalit sa halip na sila’y magpalugmok sa lupa, lalo silang napupukaw na tumindig at lumaban, at bagtasin ang landas ng armadong rebolusyon.
Sa mga larangang gerilya sa buong bansa, patuloy na tumatamasa ng malalim at malawak na suporta ng masang magsasaka ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Galit na galit ang mga upisyal militar ng AFP at ng reaksyunaryong estado na sa kabila ng kanilang pinatinding todo-gera na tumagal na nang halos pitong taon, patuloy pa rin ang masang magsasaka sa pagbibigay ng suportang pampulitika at materyal sa mga Pulang mandirigma. Patuloy ring sumasapi sa hukbong bayan ang mga kabataang magsasaka, pati na mga kabataang estudyante, manggagawa at maging mga propesyunal.
Patuloy na nag-aalab ang hangarin ng sambayanan na isulong ang armadong pakikibaka. Sa gitna ng pasistang paninibasib ng mga armadong galamay ng rehimeng US-Marcos, at mga pabigat nitong patakarang ibayong nagpapahirap sa kanila, lalong kumikintal sa isip at kamalayan ng masang magsasaka na wala sila kahit ano kung wala silang Bagong Hukbong Bayan na kaagapay nila sa pagtatanggol sa kanilang buhay at mga karapatan, at kasama nila sa pakikibaka para sa lupa at kabuhayan.
Sa nagdaang mga taon, dumanas ng pinsala at pag-atras ang BHB sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa mga pagkakamali at kahinaan ng konserbatismo at pagkakasya sa dati nitong naabot na tagumpay. Sa halip mapangahas na bagtasin ang landas ng tuluy-tuloy na pagpapalawak at pagpapasigla ng armadong pakikibaka, kumitid ang saklaw at baseng masa ng mga yunit gerilya, naging pasibo at bulnerable sa pagkubkob ng kaaway. Sa gabay at inspirasyon ng Partido, determinado ang BHB na iwasto ang mga pagkakamali at sumulong sa landas ng muling pagpapalakas at pagpapalagablab ng apoy ng digmang bayan.
Sa diwa ng kilusang pagwawasto, dapat pasiglahin ng BHB ang armadong pakikibaka sa lahat ng panig ng bansa. Katuwang ang malawak na kilusang masa sa pakikidigmang gerilya, gamitin ang lahat ng sandata—baril at bato, sibat at suyak, desabog at pasabog—at ilunsad ang malalaki o maliliit na taktikal na opensiba na kayang ipagtagumpay laban sa mahihina’t nahihiwalay na bahagi ng kaaway. Birahin ang pasistang tropa ng kaaway at lahat ng galamay nito bilang paraan ng pagkamit ng mamamayan ng hustisya at upang bigyang inspirasyon ang kanilang paglaban. Sa pamamagitan lamang ng malawak na armadong paglaban mapatatatag, makababawi ng lakas at susulong ang BHB.
Mula nang itatag ito, lima’t kalahating dekada na ang nakaraan, ang BHB ang nagsilbing tunay na hukbo ng bayan na nagsusulong ng rebolusyonaryong hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pambansang demokrasya. Sa darating na anibersaryo nito sa Marso 29, ipagdiwang natin ang mga tagumpay na nakamit sa nagdaang 55 taon, magbigay-pugay sa lahat ng mga martir at bayani, at muling pagtibayin ang determinasyon na isulong ang matagalang digmang bayan, anumang sakripisyo at pasakit ang kailangan, para makamit sa hinaharap ang tagumpay.